Balikbayan*
Glecy C. Atienza, PhD
Batch '78 UP Integrated School

Akin ang karangalan ng pagharap sa inyo ngayon. Bibihira kasi ang pagkakataong maimbitahan ka iyong alma mater .Madalas bumabalik lang ako dito para manghiram ng libro sa library , umattend ng homecoming o umattend ng mga workshop na nagkataong dito isinasagawa. Pero iba ang pagbabalik kong ito. Nakasuot maayos ako at hindi nakatishirt at maong, naka-make-up at naghanda ng ilang pasalubong na maaari kong iwanan sa aking pag-uwi. Tripping ito, memory trip saka travel trip

Tatlumpung taon na ang nakaraan nang lumusot ang taking ng sapatos kong puti sa mga giwang ng kahoy sa make-shift stage na ginawa sa harap nang noon’y bagong bukas ng new building dun kami nag graduate. Tatlumpung taon na rin nang isagawa ang recognition day rites naming sa isang makeshift stage sa ibabaw ng pond sa tapat ng library natin. Katulad ninyo ngayon, nakatanggapin din ako ng sertipiko para sa kahusayan drama noong 1978. Madrama ang eksena noon dahil hindi ko inimbita ang nanay ko dahil alam kong hindi siya sang-ayon sa pagkahilig ko sa teatro. Pero pumunta pa rin siya at nang balikan ko ang picture namin habang naghahanda ako ng speech na ito ay mukhang mas maningning ang ngiti niya kaysa sa akin. Sa larawang ito, nakita ko ang mapa ng napili kong buhay ngayon .

Ang espasyo ng buhay na napili ko ay dito ko sa high school natuklasan.
Nasa larangan ako ng sining at kultura—nagtuturo sa umaga para pagkatapos ng mga klase ay may oras nang magsulat,manaliksik, magworkshop, manood ng sine, mag-attend ng meeting at malakbay sa iba’t ibang lugar. Ginagawa ko na rin ito noong high school. Sa pagiging pinuno ng Dulaang Kapanabay ay ginawa naming buwanan ang pagtatanghal, nilikhang tanghalan ang lobby ng library at ang practical arts room, binulabog ang office sa paghingi ng permit para sa mga activities at higit sa lahat,pina-arte ang aming principal noon ,ang yumaong Dr. Aurora Gaceta sa isa sa aming mga participatory performances.
Gusto naming patunayan na ang pagiging nasa teatro ay isang matinong gawain.Natutuo kami ng disiplina ng pag-aaral dahil kailangang I budget ang oras at walang sayanging panahon para maisagawa an gaming objective. Nandiyan din ang aral sa pakikipagtrabaho sa grupo ,ang pagiging tapat sa iyong tungkulin at higit sa lahat at pagsisikap na maisagawa sa pinakamahusay na paraan ang nais na matupad ,,sa pinakamalikhain at pinakaepektibong paraan.

Ang aral na ito ay dala-dala ko hanggang sa pagtawid ng bakod sa kabilang campus –sa kolehiyo.Ang di napapatid na uhaw para sa kaalaman ay dala ko hanggang ngayon. Nakapagtapos ako ng PHd at natuklasang kong lalo akong wala alam dahil sa lawak ng lawas ng kaalamang naghihintay na matuklas kaya’t bawat pagkakataong upang matuto ay sinasamantala ko.

Hindi natatapos ang pag-aaral sa kolehiyo o graduate studies kayat ang espaso ng pagkatuto ay habangbuhay nating tutuklasin at pag-aaralan. Ito rin marahil ang dahilan kaya tinuruan kaming magsulsi at magkabit ng tubo ng tubig at kawad ng kuryente sa practical arts noon,pati na ang pag-aalaga ng baboy at ang pagtatanim ng palay sa likod ng mga pavilion.

Kung may espasyo ng napiling buhay ay mayroon ding mga tauhan. Siyempre ang bida ay tayo dahil tulad ng mga bayani sa mga kuwentong epiko ,tayo ang lumilikha ng landas n gating buhay.Tayo ang nagtatakda ng mga nais nating makamit at tayo ang nagsisikap at naghahanap ng mga paraan upang makamit natin ito sa pinakamahusay na paraan. Mahalaga ang target natin sa buhay. Katulad sa akin, gusto ko talagang maging artista at mang-aawit. Yun lang.Pero katulad ng isang kuwento,may tunggalian,may mga balakid na kailangang lampas an upang matupad ang pangarap. Ang paglusot at pagharap sa mga hamong ito ang pinakamasarap pagkat dito nakakapulot ng ibayong lakas. Halimbawa , natuklasan kong hindi pala sapat na maging magaling ka sa iyong ginagawa,.ang tunay na hamon pala sa pagiging magaling ay kung nagkakaroon ka ng pakinabang sa iyong kapwa. Kung baga ay validation ng teorya at praktika. Kailangang may pakinabang kung hindi ay hindi nagmamarka ang iyong nagawa,sandali lang ang epekto at hindi tumatalab sa karanasan ng iba.

Natutunan ko ang ganito sa pagiging artista at pagiging guro. Hinarap ko ang isang hamon ng isa sa naging guro ko, ang yumaong si Lino Brocka .Sa isang workshop naming sa pag-arte,siabi niya, bihira daw ang nagtatagal sa mga nagwoworkshop sa teatro dahil sa hirap ng pagsasanay at pagsasabuhay ng mga gawain dito. Sabi niya, “I challenge you to be that person.” At dahil mayabang ako, kinagat ko ang hamon na yon. Totoong ako lang ang tagal sa batch namin noong 1977 workshop na pinadaluhan sa akin ng aming tagapayong si Mam Eleanor Hermosa pero higit pa roon ang natutunan ko. Nakarating ako sa iba’t ibang lugar sa pagbabahagi ng mga pagsasanay sa teatro. Dito ko natutunan ang halaga ng pagbasa,hindi lamang ng libro kundi ng pagbasa ng tao at pag unawa sa mga nangyayari sa paligid . Importante ito upang maging relevant. Kailangang matuto tayong makibagay at makahanap ng ibat ibang paraan ng pakikitungo upang maintindihan tayo n gating mga kasama. Ito ay habang nakatiim pa rin sa ating isipan an gating layuning maging tapat sa ating ginagampanang tungkulin at paniniwala sa buhay.

Bukod sa mga kaeksena ng bida sa paglalakbay sa landas ng buhay, nariyan ang isa sa pinakamahalagang bahagi ng larawan, ang manonood, ang audience ang cheering squad, ang nagbibigay ng pera at pagkalinga –ang mga magulang at pamilya. Unconditional love kasi ang taglay ng mga magulang at pamilya. Kahit na anong mangyari,mapuyat man,mapagod,mainis at magsermon ,nariyan pa rin ang mga magulang upang magbigay ng kanlang buong pusong suporta. Madalas ding may nagaganap ng mga di pagkakaunawaan sa mga magulang at anak. Bunga marahil ng pag-aalala o pag-iwas sa anak sa inaakalang pahamak. Kailangan lang marahil ng higit pang pag-unawa at komunikasyon. Sa mga anak na di nauunawaan, dagdag na kuwnto at panahon para maunawaan ng magulang .Sa mga magulang naman ay ibayong pag-unawal at tiwala din. Maaaring ang sinisikap tuklasin ng anak ay iba sa ating tinuklas kaya di natin gasinong nauunawaan.ang mahalaga’y ang mainam na timpla ng laya ,pag-unawa at komunikasyon. Sa akin pa, nakumbinse ko rin naman ang nanay kong hindi ako magiging bulakbol sa pagpili kong teatro bilang larangan. Nabali ko ang takot niyang hindi ako makakatapos ng aral. Noong nag-PHD ako ,siya na ang pumipigil sa akin dahil baka naman masobrahan na daw ako ng aral. Hindi ko na rin siya kailangang sabihan kapag may pupuntahan akong parangal. Nakikita ko na lamang siyang nakagayak at handa nang sumama sa akin kahit di ko siya sabihan. Katorse anyos ako nang magsimula ako sa teatro. Kuwarenta y singko na ako ngayon.

Sa pag-uwi kong ito ngayon, marami akong kuwento at pagbibida na nais ko ring dalhin sa mga naging nanay at tatay ko dito sa UPIS. Unconditional din naman ang pag-unawa ng mga guro sa mga estudyante. Masarap ding magbida sa kanila ,hindi lang dahil nais nating patunayan na umunlad na tayo mula sa mga kalokohan natin noon .Bahagi rin ito ng pagpapadama natin sa ating mga guro,magulang at kaanak na bahagi sila ng anumang tagumpay at mayamang karanasang nakuha natin sa ating paglalakbay.

Sa di malayong hinaharap ay mararanansan na ninyo ang paglalakbay sa ibang antas ng buhay sa kolehiyo hanggang sa pag-alagawa ng mga pili ninyong propesyon sa buhay. Sikapin lang nating maging tapat sa ating piniling layunin sa buhay at maging handa sa pagtatrabaho para rito .Huwag tayong makontento sa pagiging ok na ,kundi sikaping maging pinakamahusay sa ating larangan. Hindi ok ang ok na o puwede na .Kailangang maging pinakamahusay. Ang mga tatak ng kahusayang ito ang pinakamainam na tanda ng ating pagsisikap. Ito rin ang tanda ng pagkilala natin sa lahat ng mga nagbigay ng kanilang lakas at dunong upang marating natin ang nais nating marating. Kasama dito an gating mga magulang, guro,kaibigan at ang mga mamamayang Pilipinong nagsu-subsidize n g ating tuition upang tayo ay maging iskolar ng bayan. Wala hihigit pang gesture ng pasasalamat sa kanilang paghihirap kundi ang pagsisikap na maging mahusay sa ating pagsisikap at ang pagbabalik ng kahusayan ito para sa ikahuhusay din ng kalidad ng buhay ng kapwa mamamayan.

Tatlumpung taon mula ngayon,sana ay makabalik muli ako sa UPIS. Baka bungal na ako at naka wheelchair sa panahong iyon. Pero gugustuhin ko pa ring dumalo sa recognition rites upang makinig sa mga kuwento ng pag-uwi ng mga katulad ninyong naglakbay at umani ng mayamang tagumpay. Hanggang sa 2038.

Maraming salamat po at mabuhay ang ating mga iskolar ng bayan!

________
*speech made during the Grades 7-10 Recognition Rites, 11 March 2008


©2007 All Rights Reserved