Biyahe*
Pauline Joyce M. Gonsalvo
Batch '08 UP Integrated School

Isandaan taon? Naisip mo bang tatanda ka, aabot ka, ng isandaan taon? Parang ang hirap mawari, ‘no? Makaraan ang isang siglo, nagawa mo na kaya lahat ng gusto mong gawin? Natupad mo na kaya lahat ang mga pangarap mo? Kasing ganda mo pa kaya ang sarili mo ngayon?

Ito ngang ating Unibersidad, nasaksihan na ang isandaang taon. Marami na itong natupad na pangarap. Umunlad ang kanyang istruktura at lumawak ang kanyang sakop. Nagluwal ito ng alagad ng sining at mga siyentista na ginagalang dito at sa ibang bahagi ng mundo. Tulad ng alak, na habang tumatagal, lalong sumasarap; at ng antigo, na habang tumatanda, lalong tumataas ang halaga; ang Unibersidad, lalong umiigting ang pagnanais na maging mahusay sa lahat ng larangan.

Sa kabila ng mga ito, may hamong nagpapatuloy at marahil ay hindi na matatapos. Mula 1908, ang pag-aalay ng galing, pamumuno at serbisyo ang syang hamong kailangan nating harapin at tanggapin. Ang hamong ito ay hindi lamang pansentenaryo, kundi panghabang buhay.

Lahat tayo ay magagaling, aminado tayo diyan. Halimbawa na lamang, sinisisiw natin ang multi-tasking. Sa pagpasok sa makabagong panahon, kayang-kaya nating pagsabay-sabayin ang pagkain, panonood ng t.v. at pakikipag-usap sa telepono habang gumagawa ng homework, nagsusulat at nagse-surf sa internet. Partida, maya’t maya ang dating ng mga mensahe sa ating cellphone at hindi tayo natitinag sa pagtetext. Galing, di ba? Ngunit ano nga ba ang tunay na kagalingan?

Ito ba ay pagkakaroon lamang ng matataas na grado, o ang pananalo lamang sa mga paligsahan? Para sa akin, ang tunay na kagalingan ay una, ang pagkilala sa taglay mong talento at kakayahan; ikalawa, ang paglinang sa mga ito tungo sa kahusayan; at ikatlo, ang paggamit sa mga ito para sa ikabubuti ng nakararami.

Gasgas na marahil ang tanong kung paano tayo makapagbabahagi ng ating mga sarili para sa ikabubuti ng nakararami. Inisip ko na maaari ko itong magawa kung mabibigyan ako ng pagkakataong pamunuan ang Media Center, ang Senior Council at ang UPIS Corps of Cadets.

Kailangan kong patunayan na kaya kong pagsabayin ang academics at cu-curricular activities. Kahit na hikain ako. Kahit na malayo pa ang uuwian ko. Dahil sa layo, higit pa sa minimum wage ang baon ko araw-araw. Huwag niyo na pong itanong kung magkano. Nakakatuwa na lang isipin ngayon, gigising ako ng ika-4 ng umaga at aalis ng ika-5 para makarating dito bago mag ika-7 ng umaga. Matatapos ang klase ko ng ika-5 at kalahati ng hapon, pero hindi dito natatapos ang mga kailangan ko pang gawin. Makakaalis ako ng mga ika-7 ng gabi, at darating ako sa bahay ng mga ika-10 na ng gabi. Sa loob ng anim na oras, pagkakasyahin ko ang pag-aaral, paggawa ng takda, at pagtulog .. kung may panahon pa. Hindi lamang madalas, kundi palagi akong tulog sa biyahe. Hindi minsang ako’y lalampas sa dapat babaan at mapapadpad sa ibang bayan ng Bulacan. Sa karanasan ko, nagpapasalamat akong hindi pa naman ako umaabot ng Cabanatuan.

Mahirap? Oo naman. Pero kailangan kong tiisin iyon upang maipakita sa aking mga magulang at sa aking sarili na kung ano man ang gusto kong gawin, kaya kong gawin. Nagugulat ang mga tao kung paano kong natutugunan ang lahat ng ito. Ang lagi kong sinasagot sa kanila, “Sanayan lang po ‘yan.” Pero ang totoo niyan, hindi ito sanayan lang. Kalakip nito ang disiplina sa sarili, ang sakripisyo at ang pagtatalaga o commitment sa pamumuno.

Naniniwala akong lahat tayo ay lider. We are all leaders in our own right. Kanya-kanyang diskarte. Kanya-kanyang paraan. But leaders just the same. Ang isang tunay na UPIS leader ay handang pamunuan at paglingkuran nang buong galing at husay ang paaralan, ang Unibersidad at ang bansa. This is what UPIS has trained us to be. And this is what we must become – leaders in service and leaders who serve.

Service is the essence of leadership. Ang paglilingkod ay kaakibat ng pamumuno. Maaari mo lamang sabihing ikaw ay tunay na namumuno kung inuuna mo ang kapakanan ng iyong pinamumunuan kaysa sa iyong sarili. Gamitin natin ang ating angking talino at galing upang maging epektibong mga lider. At kapag nagawa na natin ito, ituon natin ang ating mga sarili sa mahusay na paglilingkod.

Malaki ang pangangailangan sa mga magagaling na mag-aaral na handang tumugon. Tanggapin natin ang hamon ng hinaharap, ang hamong ipinamana sa atin ng mga naunang henerasyon, at ang hamong ipamamana natin sa mga susunod pang henerasyon ng mga mag-aaral ng UPIS.

Tanggapin natin ang tawag para sa mga lider ng kinabukasan. Tanggapin natin ang hamong ito, hindi lamang bilang pagtanaw ng utang na loob sa Unibersidad at sa pagiging iskolar ng bayan, kundi dahil ito ang mismong dahilan kung bakit tayo nandirito ngayon. Pinili tayo, mula sa libo-libong mga nangangarap at naghahangad, upang magsanay sa kahusayan, at ibahagi ang kahusayang ito sa iba sa pamamagitan ng pamumuno at paglilingkod.

Dito sa UPIS nagsisimula ang pagbabago. Dito nagsisimula ang lahat. Hindi sa kolehiyo, hindi sa pagkakaroon ng trabaho o pamilya, kundi sa pagiging ganap na indibidwal – sa pagiging gising sa katotohahan at kabutihan, sapat upang ating malaman ang lugar natin sa mundo, kung sino ang ating paglilingkuran, at kung anong dapat nating gawin upang matupad ang purpose na itinakda para sa atin.

Sa aking pagtatapos, nais kong magpasalamat unang-una sa Panginoon, sa pagbibigay Niya sa akin ng kalakasan, karunungan at katatagan sa bawat oras na inilagi ko sa paaralang ito sa loob ng labing-isang taon.
Maraming-maraming salamat sa ating mga magulang na patuloy at walang sawang naniniwala at sumusuporta sa atin. Araw man o gabi, umaraw man o umulan. Laging sinasabi ni Mama sa akin, “Anak, ako ang number one fan mo.”at is Papa, naghahatid at nagsusundo sa akin sa sakayan ng bus araw-araw. Umaakyat pa yan sa bus sa gabi, lalo na pag hindi pa ko bumababa dahil hindi pa ko nagigising.

Sa aking mga naging at hindi naging guro, maraming-maraming salamat po. Mapalad kaming lahat na mga mag-aaral dahil kayo ang naging pangalawang mga nanay at tatay namin sa UPIS. Saksi at katuwang kayo sa aming paglaki at paglago.

Nagpapasalamat din ako sa aking mga kaibigan, kaklase, kabatch, kamag-aral, kadete at co-cadet officers para sa isang makabuluhang taon na ating pinagsalunan. Nawa’y hindi mapawi ang masasaya nating mga alaala sa loob at labas ng mga pasilyong ating ginagalawan.

Para sa aking mga kamag-aral; sa isang natatanging selebrasyonng karunungan, kagalingan, pamumuno at taos-pusong paglilingkod, nawa’y mamalas tayong mga huwaran sa bawat larangang ating pipiliin. Matatag, tulad ng kawayan, na kahit sumasayaw sa ihip ng hangin at tugtugin ng panahon ay hindi nabubuwal. May sariling paniniwala at paninindigan. Nagsisimula pa lamang ang ating paglalakbay. Darating ang panahon, tayo’y magiging kung ano man ang ating ninais. Mahahanap natin ang ating mga sarili sa anumang daan na pipiliin nating tahakin. Maaaring lisanin natin ang ating bansa upang sundan ang ating mga pangarap. Ngunit kapag nangyari na ang lahat ng iyon, maabot man natin ang mga tala, huwag nating kalilimutang lumingon sa paaralang ito, sa Unibersidad na humuhubog sa atin, at sa bansang ating tinubuan. Saan man tayo naroroon, saan man tayo makarating, saan mang panig ng mundo tayo pumunta, ang mahalaga ay ang pagbibigay karangalan sa ating pinanggalingan at sa ating lahi. Taas-noo nating ipagmalaki na tayo’y mga produkto ng Unibersidad ng Pilipinas, at tunay na mga Pilipino.

________
*speech made during the Grades 7-10 Recognition Rites, 11 March 2008


©2007 All Rights Reserved