|
Ang Lawa ng Paghamon at Pag-Asa Marvie Dela Cruz, Marisse Mañalac, Herzl Bañacia, at Karla Gallaza* |
|||||||||||||
Sa tulay na kawayan nagsimula ang paglubog sa komunidad kung saan ang kahirapan at kawalan ng trabaho ay mababakas sa pamumuhay nina Nanay Merlyn, Nanay Josie, Tatay Eddie at iba pang taong naninirahan doon. Ang pamayanan sa tabi ng lawa ay nagsisilbing kanlungan ng mga mangingisda, pati na rin sa mga nais makipagsapalaran sa kalunsuran. Ang Barangay Tagpos sa Binangonan, Rizal na malapit sa Lawa ng Laguna ay binubuo ng mahigit-kumulang 10,000 pamilya ng mangingisda at manggagawa sa pabrika at konstruksyon. Pinagkakasya nila ang kakarampot na kita sa pagkain ng mga anak, na salat sa edukasyon at mulat na sa kahirapan ng buhay. Noong ika-29 ng Setyembre, aming nasaksihan at naranasan ang pamumuhay sa Lawa ng Laguna. Ang lawa (na “dagat” para sa mga naninirarahan doon) ang nagbibigay ng pagkain at hanapbuhay ay ang lawa ring inaangkin ng mga sakim na makapangyarihang tao sa lipunan at maging ng mga dayuhan. Ang lawang tirahan ng mga bangus, ayungin, tilapia, maya-maya, kanduli at carpa ay ang lawa ring pinamimingwitan ng basura at pinaplanong pagkunan ng tubig ng Metro Manila. Si Kuya Rey na nanguna sa paglubog kasama ang aming gurong si Bb. Joanne Manzano ang gumabay sa amin kung paano makiangkop at maunawaan ang kalagayan ng mga mamamayan. Pagdating namin sa aming tutuluyang tirahan, ang pangambang naramdaman namin ay pinawi ng magandang pakikitungo ng aming pansamantalang pamilya. Maya-maya pa ay nagsimula nang kumalam ang aming tiyan, ngunit si Nanay ay walang perang pambili ng aming makakain. Naibsan ng mga de-latang sardinas na aming bitbit ang gutom. Ang simpleng sardinas ay naging engrandeng tanghalian ng buong pamilya. Sa kagustuhan ni Nanay na makabawi, isang pangako ang kanyang binitawan. Mainit na sinigang na maya-maya ang magiging hapunan namin. Takipsilim na nang kami ay matapos lumibot sa komunidad at tinupad ni Nanay ang kanyang pangako. Ang lamlam ng kandila ang nagsilbing liwanag sa aming pagkain. Ang sahig na kawayan ang siyang pumawi sa aming pagod na dulot ng isang mahabang araw. *Sina Marvie, Marisse, Herzl at Karla, kasama si Ma’am Estella Pascual, ay ang grupong tumuloy sa bahay nina Nanay Merlyn at siyam na iba pang miyembro ng pamilya.
|
... ang
Konteksto
Ang Imersyon ng
Klaseng Community Development Ang kursong Community Development ay isang elektib sa Social Studies Department na naglalayong pag-aralan ang kalagayan ng mga pamayanan sa Pilipinas sa antas teoretikal at praktikal at kung paano makikibahagi sa pagpapaunlad sa mga ito. Ang mga natutunan sa loob ng silid-aralan ay inaasahang mailalapat ng mga mag-aaral sa bahaging imersyon kung saan aktwal na makikipamuhay ang mga ito sa isang piling komunidad. Ang pamayanan kung saan lumubog ang mga mag-aaral ay ang Barangay Tagpos sa Binangonan, Rizal. Ang Tagpos ay malapit sa Laguna Lake at marami sa mga tao rito ay umaasa sa lawa para sa kanilang ikinabubuhay. Tumuloy noong Setyembre 29, 2007 ang 33 mag-aaral ng Community Development sa kabila ng maulang umaga sanhi ng bagyong Hannah. Kasama rin ng klase sina Ma’am Estella Pascual, Ma’am Hermie Malonzo at Sir Banjo Aquino. Bago ang lahat… Pagdating sa pamayanan ay nagbigay ng oryentasyon si Kuya Rey, ang organizer sa lugar, tungkol sa kalagayan ng pamayanan at mga paalalang kailangang isaalang-alang ng mga mag-aaral. Mas naging makabuluhan ang pag-unawa ng mga mag-aaral sa lugar sa pagpapaliwanag ni Ka Eddie, isang lokal na mangingisda, tungkol sa kundisyon ng Laguna Lake. Matamang nakinig ang mga mag-aaral, naglinaw, at nagbahagi ng mga ideya habang hinihintay sila ng kanilang “pansamantalang magulang” na tutuluyan nila habang nasa Tagpos. Pagkatapos ng oryentasyon ay tumuloy na sa siyam na kabahayan ang mga mag-aaral. Sa mga kabahayan Salat – ito ang deskripsyon ng lahat ng mag-aaral sa mga bahay na tinuluyan nila. Kulang sa gamit, masikip ang bahay, walang sariling banyo at palikuran ang ilan, at mahirap ang tubig. Ang pinagkukunan ng tubig ay balon at poso at kailangan pang tumuntong sa tulay na kawayan upang maipanhik ito sa mga bahay. Karamihan ay walang sala, lamesa sa kusina, at kama. Kahoy ang gamit sa pagluluto. Sa oras ng kainan ay kinailangan pang manghiram ng pinggan at kutsara ang mga “nanay” upang may magamit lang ang mga mag-aaral. Sa kabila nito ay madaling umangkop ang mga mag-aaral sa uri ng pamumuhay na kanilang nadatnan. Hindi naging sagabal ang kakulangan ng lugar, bagkus ay naging mas konkreto ang larawan ng kahirapan at pag-asa sa mga mababait at masayahing pamilyang kanilang tinuluyan. Ikot sa lugar Pagkatapos mananghalian ay umikot ang mga mag-aaral sa lugar kasama ang organizer, ilang mangingisda at mga guro. Ang basketball court ng barangay ay magandang lugar upang makita ang mga istrukturang ipinatayo sa tinambakang bahagi ng lawa. Umakyat din ang mga mag-aaral sa Bundok Tayuman, upang makita ang kabuuan ng lawa, ang mga pribadong “fishpen” dito at mga karatig-lugar katulad ng isla ng Talim. Tanaw din ang mausok na bahagi ng Alabang. Pagbaba sa bundok at pagkapahinga nang saglit ay sinimulan na ng mga mag-aaral ang magbahay-bahay upang isagawa ang pangangalap ng datos. Ang pakikipanayam Malugod namang pinaunlakan ng mga kabahayan ang mga mag-aaral na nagsagawa ng pakikipanayam. Lumalabas na ang pinakamabigat na problema ng mga mamamayan ay ang kawalan ng permanente at nakasasapat na pamumuhay. Ayon sa kanilang kuwento, bago ang dekada ‘70, walang nagugutom sa mga taong malapit sa lawa. Sagana ang lawa sa maraming uri ng isda at halamang tabang. Kung tag-araw at umuurong ang tubig, tinatamnan nila ang lumilitaw na lupa ng mga produktong agrikultural. Subalit sa pagdaan ng panahon, unti-unting lumiit ang pinangingisdaan ng mga tao dahil sa pagguho ng lupa sanhi ng pagpapatayo ng mga istruktura sa gilid ng lawa. Nakadagdag din sa problema ang polusyon na nanggaling sa karatig-lugar kasama na ang Kamaynilaan. Subalit ang pinakamalalang suliranin nila ay ang pagdami ng mga pribadong nagmamay-ari ng mga fishpen, kung saan “binabakuran” ang bahagi ng lawa na kanilang nirerentahan sa bayan ng Binangonan. Ang mga mangingisdang nagtatangkang lumapit dito ay nakatatanggap ng pandarahas mula sa mga tauhan ng mga nagpatayo ng mga fishpen. Pinoproblema rin ng mga mamamayan ang plano ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) na iconvert ang lawa upang gawing karagdagang pagkukunan ng tubig ng Metro Manila. Dahil dito, napipilitan ang mga mamamayan na magtrabaho sa mga pabrika at konstruksyon upang madagdagan ang kanilang kita. Ang iba naman ay nagiging drayber ng jeep o namamasukan sa malayong lugar bilang magsasaka at umuuwi tuwing sabado o linggo. Sa pagtatapos ng araw Nagkaroon ng maikling pagbabahaginan ng karanasan ang mga mag-aaral sa gabi bago matulog. Ayon sa klase, naging masaya at makabuluhan ang kanilang maghapon. Sa banig na naghihintay magkakatabing ipinahinga ng mga mag-aaral at guro ang pagod na katawan. Tagumpay! Maaga gumising ang mga mag-aaral upang makapag-igib ng tubig at makapagluto ng agahan upang umabot sa nakatakdang pagtatasa ng klase ng alas-otso. Sa ebalwasyong naganap, magkakaharap na ang mga mag-aaral, mga guro, magulang at organizer. Sa pagpapaunlad pa ng programang imersyon ng kurso, marami ang nagmungkahi na mas mahaba dapat ang oras ng pananatili upang higit na maunawaan ang totoong kalagayan ng mga tao. Gayunpaman, sa pag-abot sa mga layuning mangalap ng datos; maaplay ang mga natutunan sa klase; at maranasan ang pamumuhay sa isang rural na komunidad, masasabing tagumpay ang naganap na imersyon sa Tagpos. Maski ang mga magulang ay tuwang-tuwa sa mga masayang mag-aaral. Sa panig ng mga guro, ipinaalala sa klase ang kahalagahan ng pagtulong sa mga mahihirap na pamayanan upang hindi masayang ang mga natutunan at naranasan nila sa imersyon. Makabuluhang pagkatuto Batid kong hindi sapat ang isa’t kalahating araw na pakikipamuhay ng mga mag-aaral sa pamayanan. Maaari naman itong gawan ng paraan sa mga susunod pang imersyon ng klase ng Community Development. Sa ngayon, sapat na ang pagkakaroon ng makataong karanasan at pagkatuto ng mga batang mag-aaral upang pagdating ng panahon ay konkreto nilang maibalik sa mga nangangailangan ang talento at dunong na nakuha nila mula sa makabuluhang edukasyong bigay ng UP Integrated School. *Si Bb. Joanne V. Manzano ay guro sa Community Development, unang semestre, AY 2007-2008 |
||||||||||||
![]()
©2007 All Rights Reserved